Walang sinabi si Santiago na si FPJ ang nanalo

MANILA, Philippines - Hindi sinasabi ng isang grupo ng mga pulis na nagsumite sa Department of Justice ng mga orihinal na election return na si Fernando Poe Jr. ang nanalo sa halalang pampanguluhan noong taong 2004.

Ito ang nilinaw kahapon ni Lawyer Vic Rodriguez, abogado ni Superintendent Rafael Santiago ng Philippine National Police Special Action Unit at ng lima nitong mga tauhan.

“Hindi ho sinasabi ni Col. Santiago at ng kanyang grupo na si FPJ ang nanalo. Hindi din ho nila sinasabi na si GMA ang nanalo,” paglilinaw ni Rodriguez sa isang pahayag. “Paglabas ho nila, ang sinasabi nila nagkadayaan noong 2004 elections. Ngayon, nasa mga awtoridad na, maaaring sa Commission on Elections, ang magdedesisyon kung sino ang talagang nanalo, kung mabubuo namin iyong mga dokumentong kinakailangan.”

Sinabi ni Rodriguez sa isang panayam na lumantad ang grupo para ibunyag ang nalalaman nila sa umano’y dayaan sa halalan noong 2004.

“Wala naman silang mapapala kung wala namang katotohanan ang kanilang tangan-tangang istorya,” sabi pa ng abogado.

Isinumite ng grupo ni Santiago noong Biyernes sa DOJ ang natitirang election returns na anim na taon nang nasa kanilang pangangalaga. Idiniin nila na hindi sila sangkot sa dayaan.

Sinabi ni  Rodriguez na ipinasya na ng anim na lumantad dahil nakaramdan na sila ng  mas maayos na political climate.

Alam ni Rodriguez na maraming tao ang nais na sirain ang kredibilidad at integridad ni Santiago.

Show comments