MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ni dating Commission on Elections Commissioner Virgilio Garcillano na nandaya siya para kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa halalang pampanguluhan noong 2004.
“Wala akong ginawang pandaraya,” sabi ni Garcillano sa isang pulong-balitaan sa Bukidnon.
Pinanindigan din ni Garcillano na si Arroyo ang nanalo sa naturang halalan noon dahil iyon ang lumabas sa pinal na resulta ng congressional canvassing.
Pinabulaanan niya na nagpadala siya sa Malacanang ng feeler para sa pagbaligtad niya laban kay Arroyo.
“Walang ganong feeler,” sabi pa niya na nagpasinungaling sa pahayag ni Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas.
Sinabi ni Garcillano na isang tao mula sa kampo ni Llamas ang nagtext sa kanya at nagsabing isang negosyanteng si Ricky Razon na kaalyado ni Gng. Arroyo ang nakikipagtulungan na sa pamahalaang Aquino. Layunin umano ng mensahe na yayain siyang talikuran si Arroyo.
Pero sinabi ni Garcillano na hindi niya kilala o nakaharap man lang si Razon.
Si Garcillano ang pinaniniwalaang “Garci” sa isang nairekord na pag-uusap sa telepono nina Arroyo at isang opisyal ng Comelec hinggil sa dayaan sa halalan noong 2004.
Tinalo ni Arroyo sa naturang halalan si Poe sa lamang na 1.1 milyong boto. Naghain ng protesta ang aktor pero namatay ito noong Disyembre 2004.
Sinabi pa ni Garcillano na handa siyang tumulong sa administrasyong Aquino sa pagreporma sa sistema ng halalan sa Pilipinas.
“Hindi ako kumokontra sa administrasyon ngayon. Kung gusto nila ayusin ito, ako ay kasali nila diyan. Halimbawa reporma ang gusto nila, kasama nila ako,” wika pa niya.
Gayunman, sinabi ni Garcillano na hindi siya dadalo sa imbestigasyon ng Comelec at ng Department of Justice kung sakaling ipatawag siya ng mga ito.
Idinagdag pa niya na nakuha ang pag-uusap nila ni Arroyo 10 araw pagkatapos ng halalan. “Kaya paano kami mandadaya kung tapos na ang eleksyon?”
“Wala siyang inutos sa akin na mandaya,” patungkol pa ni Garcillano sa pag-uusap nila ni Arroyo.
Wala anya sa wiretapped conversation nila ni Arroyo na inuutos nito sa kanya na mandaya sa eleksyon. Sinabi pa niya na inirereklamo lang ni Arroyo kung bakit bumaba ang mga boto nito pagkatapos ng canvassing sa Lanao del Sur.
“Ganoon po ba ma’am? Sabi nya, ‘oo.’ Sige po titingnan ko po,” dagdag ni Garcillano.