MANILA, Philippines - Napanatili ng bagyong Kabayan ang lakas nito pero wala naman itong direktahang epekto sa Pilipinas.
Ayon sa PAGASA, ganap na alas-10 ng umaga kahapon, namataan ang bagyo sa layong 810 kilometro sa silangan hilagang silangan ng Catarman, Northern Samar.
Taglay ni Kabayan ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 100 kilometro bawat oras.
Ang naturang bagyo ay kumikilos sa direksyon ng hilagang kanluran papunta sa direksiyon ng timog ng Japan sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Samantala, makakaranas pa rin ng maulap na kalangitan ang iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng hanging habagat na siyang dahilan ng mga pabugso-bugsong pag-uulan.