Direktang ebidensiya kailangan para madiin si GMA sa ER switching
MANILA, Philippines - Malaki ang paniwala ng political analyst na si Ramon Casiple na mabigat na trabaho pa ang gagawin ng gobyerno para maidiin si dating Pangulong Gloria Arroyo sa election return switching.
Ayon kay Casiple, convenor ng Institute for Political and Electoral Reforms (IPER), kapag nagsampa ng kaso kaugnay ng ER switching ay kailangang kumayod ang prosecution para humanap ng ebidensiya na direktang magkokonekta kay Mrs. Arroyo sa operasyong ito.
Sa ngayon, hindi pa anya nababanggit ng mga involved na pulis kasama si Sr. Supt. Rafael Santiago kung nagkaroon ng direktang papel si GMA sa ER switching bagkus ay sina dating PNP Chief at Zambales Gov. Hermogenes Ebdane pa lamang ang naidadawit nito pati si dating First Gentleman Mike Arroyo.
Hindi anya porke’t kay GMA umano naging pabor ang sinasabing ER switching ay maaari na itong madiin bilang principal sa kaso.
Gayunman, ikinatuwa ng IPER ang paglutang muli ng isyung ito ngayong bukas na ang tanggapan ng pamahalaan para sa malawakang imbestigasyon, hindi tulad ng dati na nahaharang ito dahil kontrol ni GMA ang makinarya ng gobyerno.
- Latest
- Trending