MANILA, Philippines - Naisailalim na sa maselang operasyon sa “cervical spine” si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa St. Luke’s Medical Center-Global City, Taguig kung saan agad itong idiniretso sa surgical intensive care unit ng naturang pagamutan.
Inumpisahan ang naka-iskedyul na operasyon dakong alas-7 ng umaga kahapon. Pinatulog muna ang dating Pangulo at inilagay sa breathing apparatus bago isinailalim sa operasyon sa “Anterior Cervical Decompression and Fusion” kung saan tinanggal ang ilang nerves at nilagyan ng titanium plates ang bahagi ng leeg para maitama ang gulugod nito.
Dakong ala-1 na ng hapon nang ilabas ang walang malay na si Arroyo sa operation room at inilipat sa ICU. Sinabi ni Dr. Juliet Gopez-Cervantez, isa sa mga doktor ni Arroyo, na mananatili ng hanggang isang araw sa ICU ang dating pangulo na bahagi ng panuntunan ng pagamutan. Matapos na matiyak na ligtas na ang kalagayan nito ay ililipat na ito sa kanyang kuwarto.
Matatandaan na isinugod sa naturang pagamutan si Arroyo nitong nakaraang Lunes ng hapon makaraan ang SONA ni Pangulong Aquino.