Opening ng klase sa Sept. pag-aaralan ng DepEd
MANILA, Philippines - Masusing pag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang panawagang ilipat sa buwan ng Setyembre ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan para maiwasan ang palagiang suspension ng klase bunsod ng mga malalakas na pag-ulan na dala ng bagyo na bumibisita sa bansa taun-taon.
Ayon kay DepEd Undersecretary Alberto Muyot, hihintayin nila ang rekomendasyon ng pamunuan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa naturang usapin bago sila gumawa ng pinal na desisyon.
Sinabi ni Muyot, marami ang dapat ikonsidera sa paglilipat ng pagbubukas ng klase kaya kailangan ang masusing pag-aaral hinggil dito at hindi dapat maging padalus-dalos upang hindi sila masisi sa bandang huli.
Aniya, kung may mga grupong humihiling na ilipat ang opening ng klase ay marami rin naman ang tumututol sa nasabing panukala.
Si Cavite Congw. Lani Mercado-Revilla ang pinakahuling naghain ng panukala na gawing Setyembre hanggang Mayo ang school calendar year.
Tutol naman ang grupo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa naturang plano dahil magreresulta lamang umano ng mas malaking problema dahil papasok ang mga estudyante sa panahon ng tag-init na hindi naman ‘conducive’ sa pag-aaral ng mga bata dahil overcrowded at hindi naman air-condition ang mga silid-aralan at tatamaan din ang panahon ng Semana Santa.
- Latest
- Trending