MANILA, Philippines - Inihain kamakailan ni Bohol Congressman Arthur C. Yap ang panukalang-batas na magtatadhana na libre sa pagbabayad ng Expanded Value Added Tax ang mga toll fees at charges.
Isinagawa ni Yap ang hakbang para masagkaan ang pagpapataw ng Bureau of Internal Revenue ng EVAT sa highway toll fees.
“Ang panukalang ito ay magiging batas laban sa EVAT sa toll fess,” giit ng kongresista.
Pinuna ni Yap na bagaman binanggit ng Pangulo sa State of the Nation Address nito na hindi magpapagawa ng bagong batas sa buwis ang administrasyon nito, pinaglilimian naman ng BIR ang pagpataw ng EVAT sa toll.
Sinabi pa niya na hindi na makakaya ng mga motorista at pasahero ng mga pampublikong sasakyan ang dagdag na toll fees lalo pa at nagtataasan ang presyo ng mga bilihin.
“Maaaring malugmok na ang publiko sa dagdag na toll fees. Hindi makikipagsapalaran ang Kongreso sa desisyon ng ehekutibo na magpataw ng EVAT sa tollways. Dapat kumilos laban dito,” sabi pa ni Yap.
Sinabi pa ni Yap na ang EVAT sa toll fees ay katumbas na rin ng pagpataw ng bagong buwis sa publiko.