MANILA, Philippines - Itinutulak ng Security, Justice and Peace Cabinet Cluster na pinamumunuan ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., na maisaayos at maging malinaw ang Revised Penal Code ng Pilipinas upang makatugon sa kasalukuyang panahon.
Ipinahiwatig ni Ochoa ang pagsasapanahon nito sa ginanap na Communication and News Exchange (CNEX) sa Philippine Information Agency (PIA) kahapon. Aniya, ang revised penal code ng bansa ay naisabatas noon pang Disyembre 8, 1930 kung kaya’t kinakailangan na itong baguhin.
Sinabi pa nito na minsan na ring nagkakaroon ng kalituhan sa mga abugado at huwes dahil may mga hindi malinaw na nakasaad sa revised penal code. Nakakadagdag pa umano ito sa hirap ng pag-uusig sa mga nasasakdal dahil hindi malaman kung “ano bang kaso ang dapat isampa.”
Upang malunasan ito, ani Ochoa, “Dapat maging klaro ang kahulugan ng mga elemento sa isang krimen.”
May mga dalubhasa sa batas silang kukunin upang makatulong sa mga pagbabagong kailangan gawin.