MANILA, Philippines - Sa pagnanais na matulungan ang mga buntis na teenager at ang kanilang magiging anak, hiniling ni 4th district Councilor Jessica Daza kay QC Mayor Herbert Bautista na magtalaga ng teenage counseling center sa lungsod.
Ayon kay Daza, ang mga itatayong centers ay magbibigay ng counseling services at magsisilbing referral facilities para sa mga buntis na teenager sa lungsod na madalas na walang matakbuhan o mahingan ng payo hinggil sa kanilang maagang pagbubuntis.
Anya, kadalasang itinatago ng nakararaming mga kabataang ito ang kanilang maagang pagbubuntis sa halip na sabihin ito sa kanilang pamilya o kaibigan.
Idinagdag ni Daza na dala na rin ng pagtaas ng bilang ng teen pregnancies, kailangang magkaroon ng teenage counseling centers na may counselor, advocates o social workers na magpapayo sa mga magiging ina.
Si dating QC Mayor na ngayoy Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte ay nagpatayo ng unang center para sa mga kabataan na tinawag na Teen Headquarters sa Cubao na nagbibigay ng medical services tulad ng medical at dental consultations, pre at post natal care, breast examinations, gynecological dysfunction treatments, counseling on responsible parenthood, family planning at reproductive health maintenance.