Ika-5 plunder case isasampa vs CGMA sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Isasampa ngayon (Martes) ng mga miyembro ng Akbayan party-list ang ika-5 plunder case laban kay dating Pangulo at ngayoy Pampanga Rep. Gloria Arroyo kaugnay ng umanoy maling paggamit ng P325-milyong intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang pagsasampa ng kaso ay personal na pangungunahan ni Akbayan party-list Rep. Arlene Bag-ao sa tangapan ng Ombudsman. Anya ngayon lamang nila ikakasa ang ikalimang plunder case ka Mrs. Arroyo dahil hinintay muna nilang tapusin ang pagbusisi ng Senado hinggil sa usapin.
Bukod sa kasong plunder, kakasuhan din nila si Arroyo ng kasong graft at malversation of funds na may kinalaman sa PCSO fund.
Kaugnay nito, nanawagan si Akbayan party-list Rep. Walden Bello kay Mrs. Arroyo na magbakasyon muna upang mabigyang daan ang pagbusisi ng Ombudsman sa mga naisampa ditong kaso.
Kasama sa mga naunang kasong plunder na naisampa kay Mrs. Arroyo ay may kinalaman sa maanomalyang pagbili ng isang airport property sa Iloilo; maling paggamit ng pondo ng OWWA, paggamit ng fertilizer funds sa kanyang kampanya noong 2004 elections.
- Latest
- Trending