US nababahala na sa dinukot na mag-inang US citizen
MANILA, Philippines - Nababahala na ang Estados Unidos sa kondisyon ng mag-inang US citizen na bihag pa rin ngayon ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa lalawigan ng Basilan.
Kahapon ay personal na nagtungo si US Pacific Commander Admiral Robert Willard upang alamin ang kalagayan ng mga bihag na sina Gerfayeatths Lunsmann, 42 anyos at 14 anyos nitong anak na si Kevin Eric Lunsmann.
Ang mga ito ay binihag ng mga armadong bandido kasama ang kanilang kamag-anak na si Romnick Jackaria, 19 anyos sa Sacol Island sa Zamboanga City at tinangay sa Basilan noong Hulyo 12 o may dalawang linggo na ang nakalilipas.
Ang mag-inang Lunsmann ay nagbabakasyon lamang sa Sacol Island kung saan plano ng pamilya na magtayo ng resort ng mangyari ang kidnapping habang pabalik na sana ang mga ito sa US.
Sa kasalukuyan, ayon naman kay AFP Spokesman Commodore Miguel Jose Rodriguez, patuloy ang pagsusumikap ng Crisis Management Committee na pinamumunuan ni Zamboanga City Mayor Celso Lobregat sa isinasagawang negosasyon para sa ligtas na pagpapalaya sa dalawang US citizen.
Nabatid na sa pagtungo ni Willard sa Zamboanga City ay nakipagpulong ito sa mga opisyal ng militar at binisita rin ang mga miyembro ng US Joint Special Operations Task Force sa loob ng himpilan ng AFP Western Mindanao Command sa Camp Navarro.
Ayon kay Rodriguez, hindi maaring magpartisipa sa combat operations ang Estados Unidos sa rescue operations sa mga bihag.
“They can provide us equipment if we ask for that. The US can provide Filipino troops engaged in the rescue operations with intelligence information”, ayon pa kay Rodriguez para maresolba ang naturang kaso ng kidnapping ng mag-inang US national.
- Latest
- Trending