MANILA, Philippines - Bibisita sa tanggapan ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Oban Jr. si US Pacific Command Chief Admiral Robert Willard at isa sa mga posibleng talakayin ay ang isyu ng sigalot sa agawan ng teritoryo sa Spratly Island sa West Philippine Sea (South China Sea).
Ang Estados Unidos ay isang kilalang kaalyansa ng Pilipinas kung saan una nang nagpahayag ang superpower na bansa na handa itong tumulong sa pamahalaan sakaling umatake ang tropa ng China laban sa security forces ng AFP sa nasabing lugar.
Si Willard ay nagtungo sa Zamboanga City kahapon at anumang araw ay dadalawin si Oban sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay AFP Spokesman Commodore Miguel Jose Rodriguez, ang pagbisita ni Willard sa tanggapan ni Oban ay bilang paghahanda kaugnay ng nakatakdang pagpupulong ng RP-US Mutual Defense Board kung saan kapwa co –chairman ang dalawang opisyal na isasagawa sa Hawaii sa darating na Setyembre.
Bukod sa Pilipinas kabilang pa sa mga bansang nag-aagawan sa Spratly Island ay ang Taiwan, Malaysia, Brunei, Vietnam kung saan pinakamapangahas at inireklamo ng pamahalan sa serye ng intrusyon ay ang China.
Sinabi ni Rodriguez na ang pagbisita ni Willard ay regular na ginagawa ng mga opisyal ng USPACOM at iba pang opisyal ng US military na isang pruweba na maigting ang ugnayan sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng magkaalyadong puwersa sa loob ng 60 taon.
Inaasahan ring pag-uusapan ng dalawang opisyal ang mga isyu na kapwa interes ng Pilipinas at US military para higit pang mapatatag ang kooperasyon at pagsasanay ng tropang Kano at ng mga sundalo ng bansa o ang RP-US Balikatan joint military exercises.