MANILA, Philippines - Pinayuhan ng dalawang Obispo ng Simbahang Katoliko si Pangulong Aquino na tularan si Solomon na nagdasal at humingi ng wisdom sa Panginoon para maging mabuting pinuno ng Pilipinas at mapag-isa ang mga watak-watak at may kanya-kanyang pansariling interes na Pilipino.
Sinabi nina Marbel Bishop Dinualdo Guiterrez at Baguio Bishop Carlito Cenzon na magiging epektibong lider ng bansa ang Pangulong Noynoy kung mayroon itong “wisdom”.
Ayon kay Bishop Gutierrez, kung mayroong wisdom mula sa Panginoon ang Presidente ay magkakaroon ito ng mapang-unawang damdamin upang madali nitong matukoy ang mali at tama.
Hinimok din ng Obispo si Aquino na humingi ng advice sa mga matatanda at bata.
Para naman kay Bishop Cenzon, dapat na masusing pag-aralan o busisiin ng Pangulo ang dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino at agad na kumilos para resolbahin ang problema dahil hindi kailanman uusad ang Pilipinas kung walang pagkakasundo.
Binigyan diin naman ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na dapat pagtuunan ng pansin ng Pangulong Aquino ang pagbibigay ng tunay na serbisyo at pagsusulong ng mga programa na makakatulong sa mga mamamayang Pilipino.
Naniniwala ang Obispo na mismong ang Pangulo ang nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino dahil sa pag-concentrate nito sa mga pagkukulang ng nagdaang administrasyong Arroyo na kanyang ikinukumpara sa kanyang mga nagawa at gagawin pa.