2 pang testigo sa dayaan sa Maguindanao lulutang
MANILA, Philippines - Dalawa pa umanong testigo sa Maguindanao election fraud ang lalantad para patunayan ang nasabing alegasyon na naganap sa nasabing lalawigan.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo sa ginawang “Bike for Peace” kahapon sa Camp Crame, ayaw niyang pilitin ang mga ito para lumabas sa publiko at mas makakabuti umanong manggaling sa mga naturang testigo ang papapasya kaysa masabihan na naman silang namimilit o naghahanap ng mga testigo patungkol sa naturang dayaan.
Binigyan na umano ng seguridad ng DILG ang dalawang saksi na isang election officer at isang technician.
Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng Commission on Elections ang unang tatlong testigo na nagpapatunay sa pahayag ni dating Commission officer Lintang Bidol, habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng komisyon.
Sa pagkaka-alam umano ni Robredo, hindi pa nagkakaharap ang tatlong saksi at si Bidol na nakapiit ngayon sa PNP custodial center.
- Latest
- Trending