MANILA, Philippines - Bunga ng kagaspangan ng ugali ng dalawang Chinese nationals na nag-ingay at nanakal pa sa bayaw ni Pangulong Noynoy Aquino noong Sabado ng umaga sa loob ng bumibiyaheng eroplano, agad ding sinipa pabalik sa kanilang bansa ang mga ito, batay sa naging kautusan ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr.
Ayon kay Atty. Ma. Antonette Mangrobang, tagapagsalita ng BI, ang dalawang Intsik na sina Han Yan, 31 at Mai Liyasi, 33 ay isinakay ng Cebu Pacific pabalik sa China, dakong alas-7:35 kamakalawa ng gabi, matapos itong imbestigahan hinggil sa pananakal kay Eldon Cruz, asawa ng Presidential Sister na si Maria Elena ‘Balsy’ Aquino-Cruz.
Nakatala na rin sa blacklist o hindi na maaring makabalik ng Pilipinas ang dalawang dayuhan dahil sa pagiging arogante.
Matatandaan na sina Han at Mai ay kabilang sa 12 ‘magazine travel writers’ na inimbitahan ng Department of Tourism (DOT) na magtungo sa bansa upang i-promote ang Pilipinas sa kanilang kababayan.
Batay sa ulat, habang nasa himpapawid ang eroplano, naging maingay at magulo umano sina Han at Mai matapos na magsagawa ng ‘parlor games’ ang mga flight attendance.
Sinaway umano ni Eldon Cruz sina Han at Mai subalit sa halip na manahimik, sinakal pa umano ng dalawang dayuhan ang bayaw ng Pangulo.
Napigil lamang ang kaguluhan nang awatin ni dating Transportation Secretary Pete Prado na ngayo’y chief of staff ni Aquino-Cruz.
Paglapag ng eroplano sa Mactan International Airport, agad na isinailalim sa kustodiya ng Police Center for Aviation Security (PCAS) ang mga dayuhan at masusing siniyasat dahil na rin sa reklamo ng mga piloto ng nasabing eroplano at ibinalik sa Ninoy Aquino International Airport.
Wala namang inihaing reklamo ang bayaw ng Pangulo at tumayong complainant na lamang ang mga piloto.