'Laser point' iba-ban na rin sa Parañaque
MANILA, Philippines - Plano ngayon ng isang konsehal ng Paranaque City Council na magpasa ng resolusyon para sa “total ban” sa pagbebenta at pagmamay-ari ng mga “laser pointers” sa buong lungsod matapos ang reklamo na nagdudulot ito ng matinding panganib sa mga piloto ng mga eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Councilor Benjo Bernabe na tatlong piloto na ang nagreklamo ng pansamantalang pagkabulag dahil sa pagtutok ng laser pointer sa kanilang mata ng mga residente malapit sa paliparan. Ito ang kanyang napag-alaman sa safety briefing buhat kay Capt. Amado Soliman, officer-in-charge ng Aircraft Accident Investigation Board ng Civil Aviation Authority of the Philippines.
Sinabi ni Soliman na mas malaking trahedya maging sa mga residente sa paligid ng paliparan ang posibleng mangyari kung magkakaroon ng malaking problema sa paglapag o pag-take off ng eroplano kung pansamantalang mabubulag ang piloto dahil sa laser pointers na kagagawan ng mga walang magawang residente.
Nauna rito, sinuportahan ng lokal na pamahalaan ng Paranaque ang hiling ng Manila International Airport Authority (MIAA) na palawigin sa 13 kilometro ang pagba-ban sa pag-aalaga ng kalapati, pagpapalipad ng saranggola at mga “remote-controlled” na mga laruang eroplano o helicopter.
- Latest
- Trending