Manila, Philippines - Labing-dalawang Chinese ang inaresto matapos makaalitan ang grupo ng panganay na kapatid ni Pangulong Noynoy Aquino na si Maria Elena “Ballsy” Aquino-Cruz at sakalin ang mister nitong si Eldon Cruz habang sakay ng isang Cebu Pacific flight patungong Cebu, kahapon ng umaga.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. na isinailalim na sa kustodiya ng Police Center for Aviation Security (PCAS) ang 12 Chinese kung saan kinilala ang dalawa sa mga ito na sina Han Yan, 31 at isang “Mailiyasi”, 33.
Ang grupo ni Ballsy ay lulan ng Cebu Pacific Flight 5J-563 ng maganap ang insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, bago pa man lumapag ang eroplano ay maingay na ang 12 Chinese sa ‘fun game’ ng mga ito kung saan naging “magulo” na ang dalawang nabanggit na Chinese.
Sinaway ng grupo ni Ballsy ang nasabing mga dayuhan na masyado na umanong nakakabulabog sa mga pasahero.
Sinabi naman sa report ng DZRH radio, habang sinasaway na huwag magulo ang naturang mga Chinese ay nagalit pa ang mga ito hanggang sa magkaroon ng komosyon ng sakalin ang mister ni Ballsy na si Eldon.
Bunga nito ay agad na inireport ng grupo ni Ballsy ang nasabing mga Chinese sa mga bantay sa paliparan kaya mabilis na nagresponde ang mga elemento ng 7th Police Center for Aviation Security (PCAS) at inaresto ang mga magugulong dayuhan.
Inatasan na ni dating Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary at ngayo’y kasalukuyang Chief of Staff ni Ballsy na si Pete Prado ang 7th PCAS na isailalim sa kustodya ang nasabing mga Chinese para sa pagsasampa sa mga ito ng kaukulang kaso.