MANILA, Philippines - Sa gitna ng tumataas na kaso ng ‘identity theft” sa bansa, umusad na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong patawan ng parusa ang pagnanakaw ng identity o personal information ng ibang tao upang magamit sa panloloko.
Dininig na ng Senate Committe and Human Rights kasama ang Constitutional Amendments, Revision of Codes and Laws; Civil Service and Government Reorganization at Public Services ang Senate Bill 1130 na naglalayong magkaroon ng batas sa bansa upang maparusahan ang mga nagnanakaw ng identity ng isang tao kahit pa sa pamamagitan ng internet, text o mail fraud.
Kabilang sa paparusahan ang mga nagpapanggap upang makapaghingi ng pera gamit ang identity ng isang tao.
Ituturing ding pagnanakaw ang pagkuha ng passport gamit ang lahat ng detalye o personal information ng iba.
“Identity theft is hereby defined as a crime. The crime is committed when an individual with fraud, malice, ill will, intent to malign or with perversion, uses another’s relevant and sensitive personal information to take on that person’s identity,” nakasaad sa panukala.