Mayayamang korporasyon obligahing tumulong sa mahihirap - Sen. Villar
MANILA, Philippines - Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong gawing obligasyon ng mga mayayamang korporasyon ang pagtulong sa mga mahihirap.
Sa Senate Bill 1239 o Corporate Social Responsibility na inihain ni Senator Manny Villar, nais nitong maging obligasyon ng mga mayayamang kompanya ang pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan katulad ng ginagawa ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Sa ngayon aniya ay walang batas na nag-oobliga sa mga mayayamang kompanya na tumulong bagaman at may mga nagboboluntaryo.
Sinabi pa ni Villar na hindi kakayanin ng gobyerno na mag-isang pasanin ang responsibilidad sa mamamayan at kapaligiran.
Bilang kapalit sa gagawing pagtulong kung saan posibleng obligahin ang mga kompanya na magbigay ng hanggang 3 porsiyento ng kanilang kita ay bibigyan naman ang mga ito ng gobyerno ng tax incentive.
- Latest
- Trending