MANILA, Philippines - Tuloy na ang pagpapaalis ng pamunuan ng Philippine Navy sa mga retiradong heneral at mga enlisted Navy and Marine personnel sa kanilang tinutuluyang quarters sa Fort Bonifacio Naval Station sa Makati City.
Sa desisyon na ipinonente ni SC 2nd Division Associate Justice Antonio Carpio, kinatigan nito ang kahilingan ng pamunuan ng Navy na payagan ang pagpapaalis sa kanilang mga personnel na naninirahan sa naturang lugar para may matuluyan ang mga aktibong sundalo.
Unang nagsulong ng petisyon sa Korte Suprema si Capt. Rufo Villanueva na pinalitan ni Capt. Pancracio Alfonso at ngayon ay ni Navy Capt. Benedicto Sanceda.
Kabilang sa mga napaalis sa military quarters ay sina Magdaleno Peralta PN (Ret.), Romeo Estallo PN (Ret.), Ernesto Raquion PN (Ret.), MSGT Salvador Ragas PM (Ret.), MSGT Domingo Malacat PM (Ret.), MSGT Constantino Canonigo PM (Ret.), at Amelia Mangubat at mga intervenor na sina MSGT Alfredo Bantog PM (Ret.) at MSGT Rodolfo Velasco PM (Ret.).
Nilinaw din ng SC na pumayag na ang mga respondent at intervenor na ibalik na sa pamunuan ng Navy ang kanilang tirahan upang magsilbing tuluyan ng mga aktibong miyembro ng PN personnel.
Sa record ng korte, ang mga nasabing Navy at Marine personnel ay napagkalooban ng kanilang quarters nang sila ay aktibo pang sundalo sa Military Enlistedmen Quarters (MEQ) sa loob ng Bonifacio Naval Station (BNS), Fort Bonifacio, Makati City.