Recom wagi, suspension pinigil ng CA
MANILA, Philippines - Sinaklolohan ng Court of Appeals (CA) si Caloocan City Mayor Recom Echiverri matapos magpalabas ito ng temporary restraining order (TRO) laban sa suspension order na inisyu ng Office of the Ombudsman.
Batay sa 8- pahinang resolusyon na ipinonente ni Associate Justice Agnes Carpio ng CA 14th Division, ang TRO ay epektibo sa loob ng 60 araw.
Gayunman, inatasan ng appellate court si Echiverri na magbayad ng P50,000 kaugnay sa petisyon.
?Nilinaw ng CA na may urgent o pangangailangang aksiyunan ang petisyon dahil ang isyu ay may kaugnayan sa interes ng publiko.
Sa apela ni Echiverri, iginiit nito na may grave abuse of discretion ang Ombudsman nang agad ipag-utos nito ang preventive suspension o anim na buwang suspensiyon sa tungkulin kaugnay sa inihaing reklamo ni Caloocan Vice Mayor Edgar Erice hinggil sa alegasyong hindi pagre-remit ng pamahalaang local ng Caloocan ng P38 milyon kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS) ng mga kawani nito.
Gayunman, nilinaw ni Echiverri na wala siyang kinalaman sa non-remittance of GSIS premiums and contributions ng mga kawani dahil nadatnan na lamang niya ang mga naturang problema.
Isa-isa ring ipinakita sa media ni Echiverri ang mga datos na nagpapatunay na regular na naghuhulog ang lokal na pamahalaan sa GSIS ng employees’ contribution na pinatunayan naman ni GSIS Chairman Daniel Lacson, Jr. sa panayam dito ng Dateline Philippines ng ANC.
Ayon pa kay Lacson, kasalukuyan ding may nagaganap na reconciliation of records ang GSIS at ang Caloocan City government kaya’t nagulat ito nang bigla na lamang maglabas ng suspension order ang Ombudsman laban sa alkalde hinggil sa naturang isyu.
Base sa mga supporters ni Echiverri, hindi sila papayag na paalisin sa kanyang tanggapan ang kanilang alkalde dahil ayon sa mga ito, ngayon lamang sila nagkaroon ng punong lungsod na may malasakit sa tao at sa mga empleyado ng city hall.
- Latest
- Trending