MANILA, Philippines - Katulad din ng mga Filipino, mayroon din nais na marinig ang mga miyembro ng Kamara de Representantes mula sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino sa Lunes, Hulyo 25.
Sinabi ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, nais nitong marinig kung ano ang tunay na kalagayan ng bansa, lalo na sa isyu ng kahirapan at kung paano ang kongreso at iba pang sektor ay makakatulong sa pagpapaunlad ng buhay ng masang Filipino.
Para naman kay Ako Bicol Party list Rep. Rodel Batocabe, dapat pag-usapan sa SONA ang kongkretong plano at programa para makausad at mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang ating problema sa kahirapan at kabuhayan at ang reporma na nagawa sa loob ng isang taon ng kanyang panunungkulan gayundin dapat na maging positibo ang Pangulo at huwag nang isisi ang lahat sa nakaraang administrasyon.
Sa panig ni Manila 5th district Rep. Amado Bagatsing, dapat marinig nito sa SONA ang isyu kung paano pangalagaan ni PNoy ang pondo ng bayan at i-address nito ang pangangailangan at edukasyon ng mga Filipino at bigyan din ng Pangulo ng tunay na kahulugan ang salitang “a public office is a public trust”.
Giit naman ni Cibac party list Rep. Sherwin Tugna, gusto nitong marinig ang plano niya sa economic reforms and goals ng bansa hanggang sa matapos ang termino nito.
Nais naman marinig nina Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla , Diwa party list Rep. Emmiline Aglipay at Aurora Rep. Juan Edgard Angara, kung ano ang plano ni Pnoy patungkol sa job creation para sa mga bagong graduates at mga OFWs na nagsipagbalikan sa bansa, legal assistance para sa mga OFWs na nakapiit sa ibang bansa, programa sa sapat na bigas ng bansa at iba pang plano nito sa ekonomiya.
Blue print, mga kalsada, vision at ang plano ni PNoy sa hinaharap sa halip na palaging binabalikan ang nakaraan ang nais naman marinig sa SONA ni Palawan Rep. Antonio Alvarez.