GMA dumalo ka sa SONA! - Malacañang
MANILA, Philippines - Hinamon ng Palasyo si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na dumalo ito sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino sa Lunes kung wala itong ‘guilty feelings’ kaugnay ng isinampang mga kaso laban sa kanya.
Sinabi ni Presidential Political Adviser Ronald Llamas, kung hindi guilty si Pampanga Rep. Arroyo ay dapat dumalo siya sa SONA at pakinggan ang mensahe ni Pangulong Aquino.
Nilinaw din ni Sec. Llamas, hindi maiiwasan na mabanggit si Mrs. Arroyo sa SONA message ni PNoy dahil na rin sa iniwan nitong mga problema sa bansa.
Aniya, hindi naman puro batikos sa nakaraang administrasyon ang mensahe ni Aquino sa kanyang ikalawang SONA kundi ilalahad din nito ang mga naitanim na binhi ng kasalukuyang administrasyon bagama’t hindi pa naaani ang bunga nito.
Naunang pinayuhan ng legal spokesman ni Mrs. Arroyo na si Atty. Raul Lambino na huwag dumalo sa SONA ang dating lider dahil iinsultuhin at kukutyain lamang siya ni PNoy.
Samantala, kinumpirma naman ng acting spokesman ni Arroyo na si Maite Defensor, na hindi dadalo ang dating pangulo sa SONA.
Ito ang ikalawang SONA ni Aquino na hindi sisiputin ni Arroyo.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay nasa Hongkong si Arroyo ng isagawa ang unang SONA ni PNoy.
- Latest
- Trending