MANILA, Philippines - Pormal na naghain ng kanyang counter-affidavit si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congw. Gloria Macapagal-Arroyo sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kasong plunder na isinampa ni dating Solicitor General Frank Chavez.
Dumating si Arroyo sa DOJ kasama ang abogado niyang si Atty. Benjamin Santos bago pa magsimula ang office hour.
Tumagal lamang ng 22 minuto ang panunumpa ni Arroyo sa inihaing 44 pahinang counter-affidavit sa tanggapan ni Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva.
Sa 58-pahinang kontra salaysay, hiniling ni Arroyo na ibasura ang kaso dahil katulad lamang ito ng unang kaso na isinampa at dinismis ng Office of the Ombudsman.
Giit pa niya, ang plunder case at iba pang kasong criminal ay dapat nang ibasura dahil hindi naman umano siya nakinabang sa pondo na para sa migrant workers.
May kinalaman ang kaso sa P530 milyon umanong paglustay sa pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Closed-door ang ginawang pagsusumite ng counter-affidavit ng dating pangulo pero nagpaunlak ito sa pagpapa-picture ng ilang empleyado ng DOJ sa paglabas niya sa opisina ng state prosecutor.
Bukod sa dating pangulo, respondent din sa kasong plunder sina dating Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo, dating OWWA Administrator Virgilio Angelo at dating Philhealth President Francisco Duque III at walong iba pang miyembro ng board of trustees ng OWWA.
Sina Arroyo at tatlong opisyal ay pinasasagot sa kasong qualified theft, graft and corruption at paglabag sa Section 29 (3), Article VI of the Constitution, Articles 217 and 220 of the Revised Penal Code, and Section 261 ng Omnibus Election Code.