Open pit mining idinepensa ng ex-Ateneo de Davao president
MANILA, Philippines - Nilinaw ng dating presidente ng Ateneo de Davao University na hindi nagsasalita si South Cotabato Bishop Dinualdo Gutierrez para sa buong Simbahang Katoliko sa kanyang hindi mababagong paninindigan laban sa open pit mining method.
“Dapat niyang patunayan kung bakit siya tumututol gayong may katunayan na ang open-pit mining ang pinakaligtas na paraan (sa pagkuha ng mga mineral), sabi ng nakabase sa Xavier University na paring Heswita na si Rev. Fr. Emeterio Barcelon sa panayam kamakailan.
Buo ang suporta ni Barcelon sa industriya ng pagmimina makaraang masangkot sa pamamahala sa mga minahan sa Benguet.
“Marahil, ang basehan ni Bishop Gutierrez ay ang dati pa ring industriya ng pagmimina sa Pilipinas na hindi tumutugon sa mga isyu hinggil sa responsableng pagmimina,” paliwanag ng pari.
Nilinaw ni Barcelon na sa paggamit ng modernong mga paraan, ang isang 300 ektaryang lugar na pagmiminahan ay magagawan ng rehabilitasyon sa loob lamang ng isang taon.
Iginiit din ni Barcelon na ang mining industry ang tanging paraan para mabawasan ang kahirapan at kawalang trabaho sa bansa.
- Latest
- Trending