MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Malacañang na nagpadala na ng ‘feelers’ si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano sa political adviser ni Pangulong Aquino.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nagpahatid ng feelers si Garcillano kay Presidential Political Adviser Ronald Llamas ng kahandaan nitong ibunyag ang tunay na nalalaman nito kaugnay ng naganap na dayaan noong 2004 polls.
Ayon kay Lacierda, kahit nagpahiwatig ng kagustuhan si Garcillano na ibunyag ang kanyang nalalaman ay kailangang timbangin pa rin at pag-aralan ang kanyang magiging testimonya.
Unang lumutang si dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol at sinundan ito ng pagbubunyag ni dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan na nagkaroon talaga ng dayaan noong 2004 at 2007 polls.
Ayon pa kay Lacierda, hindi orchestrated ang paglabas ng mga witness na ito na nataon lamang ilang araw bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.