2010 elections imbestigahan din - NGO
MANILA, Philippines - Dahil sa paniwalang pinaka talamak ang dayaan noong 2010 elections, nanawagan ang isang koalisyon ng international at local businessmen sa Kongreso, Supreme Court at Comelec na imbestigahan din ang kauna-unahang automated elections sa bansa at hindi lang ang 2004 at 2007 polls.
Ayon sa Tanggulang Demokrasya (Tan Dem), ang resulta ng 2010 national at local elections ay natabunan ng malaking duda dahil sa garapal na paglabag sa election law ng Comelec at malaking kapalpakan sa operasyon ng automated system.
Naniniwala ang Tan Dem na ang mga proteksiyon sa automated system na ginamit sa halalan noong nakaraang taon ay ilegal na inalis at ang election returns ay sinadyang iniwan na walang kinakailangang proteksiyon, kaya nabuksan ang proseso na nagbigay duda sa resulta ng eleksiyon.
Kabilang dito ang pagsuspinde sa digital signature ng Board of Elections Inspectors (BEI) o ang tinatawag na signatures, ang suspension sa paggamit ng Ultraviolet Scanners na inilagay upang mapatunayang tunay ang balotang ipinapasok sa PCOS machine, ang suspension ng PCOS function na nagpapakita sa screen ng balota ng botante sa halip na salitang “CONGRATULATIONS”, ang pagbalewala sa probisyon ng batas ukol sa “data retention nang sirain ng Comelec ang memory cards at Compact Flash Cards bago pa man mag-May 15, 2010.
Noong nakaraang taon, inimbestigahan ng Senado kung paano isinagawa ng Smartmatic, ang may-ari ng PCOS machines na ginamit sa bilangan ng boto, ang 2010 elections, ngunit nabigo ang mga kinatawan ng kompanya na magbigay ng malinaw na sagot.
- Latest
- Trending