Zaldy ibalik sa selda!
MANILA, Philippines - Inutos kahapon ng Malacañang na agad ibalik sa kulungan si da ting Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan, isa sa pangunahing suspek sa Maguindanao massacre, na naka-confine ngayon sa Philippine Heart Center (PHC) dahil sa umano’y heart failure.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi awtorisado ang confinement ni Zaldy sa PHC dahil ang pinayagan lang ng korte ay hospital visit at hindi dapat mag-overnight.
Bunsod nito, pinagpapaliwanag ni DILG Secretary Jesse Robredo ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa ginawa nilang paglabag sa utos ng korte matapos payagan na mag-stay si Ampatuan sa Heart Center ng overnight.
Naniniwala din si Lacierda na puwedeng gawin ang check-up kay Ampatuan sa loob ng kanyang selda at hindi na kailangang magpa-confine pa sa ospital.
“Ang alam ko ay diabetes lamang naman ang kanyang sakit at puwedeng gawin ang check-up sa kanya sa selda,” giit pa ni Lacierda.
Nilinaw din ng Palasyo na ang korte ang nagbigay ng pahintulot kay Ampatuan na madala sa ospital upang magpatingin at walang kinalaman dito ang Malacañang.
Samantala, bineberipika na rin ni Justice Secretary Leila de Lima kung ang Dr. Danny Kuizon na nagbigay ng sertipikasyon na dapat manatili sa ospital ang dating gobernador ay mula sa pribadong sektor o doktor ng gobyerno.
Nais din ng prosekusyon sa Maguindanao massacre case na linawin ng korte ang kahulugan ng pagiging out-patient.
Ayon kay de Lima, iginigiit ng hanay ng prosekusyon na mabigyang linaw ng korte ang depinisyon ng out-patient bagamat sa sarili umano niyang pagkakaunawa, kapag out-patient ay kinakailangan ding maibalik ng ospital matapos masuri.
Samantala, sinabi ni Atty. Harry Roque, abogado ng mga biktima ng Maguindanao masaker, hindi nila tinututulan na maipagamot si Zaldy kung totoo itong may karamdaman, subalit nangangamba umano sila na bahagi lamang ito ng estratehiya ng mga Ampatuan para matakasan ang kaso.
Habang isinusulat ang balitang ito ay pinayagan na ni QC Judge Solis Reyes na ma-confine si Zaldy, subalit kailangang maibalik sa BJMP bago mag-alas-12 ng tanghali ngayong araw.
- Latest
- Trending