MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na wala nang korapsiyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sa ika-5th forum ng Pilipinas Natin program sa Malakanyang hinggil sa Security Justice and Peace Cluster kahapon, sinabi ni Gazmin na nagpatupad na ngayon ang bagong administrasyon ng mga reporma, stratehiya at bagong sistema sa AFP na lulusaw sa problema ng korapsiyon sa ahensiya para sa kapakanan ng taumbayan.
Ilan lamang anya sa mga pagbabago sa AFP ay ang pagbubuo ng isang komite kasama ang mga pari, media, auditors at iba pa na siyang susuri sa mga bidding, titingin sa mga proyekto ng AFP na dapat pagkagastusan ng ahensiya tulad ng pagbili ng mga equipments, mga sasakyang pandagat at panghimpapawid at kung magkano ang dapat pagkakagastusan ng tama.
Kaugnay nito, sinabi ni AFP spokesman Commodore Miguel Rodriguez, patuloy ang pagpapatupad ng modernization sa AFP at mas tumaas ngayon ang morale ng mga militar dahil sa mainit na suporta ni Pangulong Aquino sa kanila laluna sa mga pasilidad kayat patuloy na sumusuporta ang Sandatahang Lakas ng bansa na maibigay nito ang mandato na maingatan ang soberenya, kasarinlan at mga tao tungo sa pagkakaroon ng tahimik at maayos na pamumuhay ng mamamayan.
Sinabi ni Rodriguez na ang hangarin ng kasalukuyang pamahalaan ay manalo para sa kapayapaan at hindi manalo sa giyera tungkol sa ipinaglalaban ng bansa sa usapin ng Spratly islands.
Anya, kahit anuman ang maging kahinatnan ng usapin sa Spratlys ay mananatili pa rin ang magandang relasyon ng Pilipinas at China. Ipinagmalaki din dito na patuloy ang pakikipagmabutihan ng pamahalaan sa mga grupong makakaliwa tulad ng CPP-NPA, MILF para sa isang makabuluhang peace process.
Niliwanag din ni Rodriguez na dahil sa magandang pakikitungo ng pamahalaan sa mga nabanggit ay naibsan na ang mga insidente ng pugot ulo. Patuloy din anya ang tulungan ng AFP mga attached agenies sa pagpuksa sa problema ng smuggling kasama ang Dept. of Foreign Affairs sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga contingency plans tulad ng paglalagay ng mga tao sa mga exit points sa bansa.