Appointment ng SPO3 sa Customs Police, pinalagan
MANILA, Philippines - Pinalagan ng Officers Corps ng Customs Police Division ang panukalang appointment ng isang personnel ng Enforcement and Security Service (ESS).
Ayon sa mga opisyal ng Customs Police, mahigpit nilang tinututulan ang rekomendasyon para sa appointment ni SPO3 Vilma Adil Jalman ng PNP, isang protégé ni ESS Director Nestorio Gualberto, bilang Special Police Captain ng Customs Police Division, ESS ng Bureau of Customs, bunsod ng sumusunod na mga kadahilanan.
Ayon sa grupo, si SPO3 Jalman ay hindi organic member ng Customs Police. Sa katunayan, nabatid na siya ay nagsilbi ng ilang taon sa PNP at nakaabot sa ranggo bilang Special Police Officer 3;
Bagama’t ang Customs Police officers ay humahawak ng military ranks, ang kanilang posisyon ay “civilian in character” kaya sila ay sumusunod sa Civil Service rules and regulations, kabilang ang appointments at promosyon.
Wala rin anilang tinatawag na “lateral promotion” sa civilian position katulad ng Special Police Captain ng Customs Police Division, ESS at ito ay dapat na nakareserba lamang sa organic Customs Police officers na siyang sumusunod sa ranggo.
Ipinunto rin nilang kada taon, limitado lamang ang slots ng officer’s item na nabubuksan katulad ng Special Police Captain at pinaglalabanan pa ng maraming mga officer na tumaas ang ranggo sa pamamagitan ng merito, kaya naniniwala silang hindi ito parehas para sa kanilang mga officer na isinakripisyo ang kanilang buhay sa Customs Police service para lamang maagawan ng posisyon bilang Special Police Captain ng isang “outsider.”
- Latest
- Trending