'Hindi ako bababa sa puwesto!' - Recom
MANILA, Philippines - “Hindi ako baba at lalaban ako”, ito ang mariing pahayag ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri kahapon matapos itong isyuhan ng order ng anim na buwang suspension ng Office of the Ombudsman dahil sa kasong misconduct sanhi hindi umano pagre-remit ng pamahalaang local ng contribution ng mga kawani sa Government Service Insurance System (GSIS).
Sinabi ni Echiverri, ipaglalaban niya ang kanyang karapatan at ng taga Caloocan, dahil wala aniya siyang kasalanan at biktima lamang siya ng isang pulitiko na aniya’y nais magpasikat.
Nilinaw nito, na patuloy na nire-remit ng kanyang administrasyon ang contribution ng mga kawani ng city hall sa GSIS at nagtataka ito hinggil sa ibinabang suspension order sa kanya ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro.
Ipinaliwanag rin ni Echiverri, minana lamang nito ang bilyong utang ng lokal na pamahalaan mula sa mga nakalipas na administrasyon kabilang nga dito ang utang sa GSIS.
Katunayan aniya, noong Pebrero 7, 2011 ay nagkasundo sina GSIS President at General Manager Robert Vergara at Echiverri na magbuo ng “reconciliation team” na siyang mag-aayos sa rekord ng dalawang tanggapan.
“Gusto naming maayos ang rekord ng GSIS at Caloocan dahil sinisingil nila kami ng mali dahil isinama nila sa kanilang listahan ang mga patay, nagretirong empleyado, lumipat ng ahensiya, natapos ang term at mga maling pangalan,” ani Echiverri.
Base sa nakuha nilang impormasyon, noong July 11, 2011 nang magsampa si Vice Mayor Edgar Erice ng “motion for preventive suspension” laban kay Echiverri at noong nakalipas na linggo (July 17, 2011) ay naglabas na kaagad ng order si Casimiro para suspindihin ang nabanggit na alkalde, na halos wala pa aniya isang linggo ang pagitan.
- Latest
- Trending