Duterte guilty sa pananapak - DILG
MANILA, Philippines - Malinaw na may kasalanan para masampahan ng kasong administratibo si Davao City Mayor Sara Duterte sa isyu ng pananapak nito sa court sheriff sa isang demolisyon noong July 1.
Ito ang sinabi kahapon ni DILG Secretary Jesse Robredo kung saan ang rekomendasyon umano ng pagsasampa ng kaso laban kay Duterte ang laman ng 18-pahinang ulat na isinumite na nila kay Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon sa kalihim, si Duterte base sa imbestigasyon ng binuong fact finding commitee ay napatunayang guilty of “conduct unbecoming of a public official.”
Nilinaw ni Robredo na nagpalabas ng 30 days notice ang korte sa Davao hinggil sa demolisyon na hindi naman sinunod kung kaya nangyari ang insidente.
Sumunod anya dito ay ang hindi pagsampa ng kaso ng mismong pinagkasalaan na si Abe Andres na siyang dahilan para ang DILG na mismo ang magsampa ng kaso laban sa naturang alkalde.
“Malinaw na may kasalanan si Mayor Duterte. Totoo pong may circumstances na mitigating pero ang action niya ay kasalanan iyon,” sabi ni Robredo.
Sabi pa ng kalihim, magpapadala ang DILG ng kopya ng fact-finding report sa Office of the Ombudsman dahil may inihain ding reklamo laban kay Duterte ang Sheriffs Confederation of the Philippines.
- Latest
- Trending