MANILA, Philippines - Dumulog kahapon sa Manila Police District-Women’s Desk ang isang miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) hinggil sa anak dumaranas ng matinding trauma makaraang ipahiya sa loob ng klase ng isang matandang dalagang guro ng Pio Del Pilar Elementary School sa Sta. Mesa, Maynila.
Sa salaysay ng biktimang itinago sa pangalang “Hershey”, 11, residente ng Sta. Mesa, noong Hulyo 5, 2011, dakong alas- 9:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng kanilang Math class.
Tinanong umano siya ng titser kung ano ang ibig sabihin ng ‘harvest’ at yumuko siya dahil sa takot sa boses ng terror na guro, subalit hinawakan siya nito sa baba at sinigawan na “humarap ka sa akin kung kinakausap kita,” na naging dahilan umano upang mapunta sa kaniya ang atensiyon ng lahat at siya ay pagtawanan.
Simula noon ay napansin ng ina (ayaw pabanggit ng pangalan) ang pagiging tulala ng anak at hindi na makatulog. Hindi na rin umano pumasok sa paaralan sa takot kaya nagpasiya silang dalhin sa psychiatrist ng PGH.
Base sa assesment ng psychiatrist ng Child Protection Unit ng PGH, dumaranas ng ‘Transitional Depression” ang bata at niresetahan ito ng isang uri ng tranquilizer (Valium) na 3 beses iinumin kada araw.
Nais ipagharap sa Manila Prosecutor’s Office ng kasong paglabag sa RA 7610 o Child Abuse Act ang guro dahil sa halos wala na sa katinuan ang nasabing biktima.
Nabatid na kung hindi pa niyaya ng mga kasamahan sa VACC ang ina ng bata, partikular ni VACC head coordinator Rose Roque na magsampa ng reklamo ay mananahimik na lamang sila subalit kulang umano sa aksiyon ang prinsipal ng paaralan.
“Sabi nung prinsipal wag naman daw ireklamo kasi mawawalan sila ng magagaling na titser, lalo na paparetiro na rin daw. Pero mali yun. Dapat na unahin muna nila ang karapatan at kapakanan ng bata,” ani Roque.