Resealing ng metro sa taxi, itinigil ng LTFRB
MANILA, Philippines - Pansamantalang itinigil ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang pagre-reseal sa metro ng mga taxi sa bansa partikular sa Metro Manila mula kahapon.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB, ang hakbang ay ginawa ng ahensiya upang bigyang daan ang pag-aaral sa naisampang petisyon sa kanilang tanggapan ng Phil. National Taxi Operators Association (PNTOA) at Association of Taxi Operators in Metro Manila (ATOMM) na humihiling na huwag na silang dumaan sa resealing ngayong buwan ng Hulyo dahil katatapos lamang nilang magpa-reseal ng mga units para sa P40.00 flag down rate.
Magugunitang ang bagong flag down rate ay naipatupad epektibo Enero 2011 at may kanya-kanyang buwan ng pag-reseal sa bawat ending ng plaka ng sasakyan mula sa ending 1 at 6 noong Enero, ending 2 at 7 noong Pebrero, ending 3 at 8 noong Marso at ending 4 at 9 nitong Abril at ending 5 at 0 nitong nagdaang buwan ng Mayo.
Ikinatwiran ng PNTOA at ATOMM na hindi na dapat silang dumaan sa resealing ng metro dahil katatapos lamang nilang magpa-reseal at dagdag gastos lamang ito.
Ang resealing ng mga metro ay ginagawa dalawang beses sa isang taon, tuwing ika-anim na buwan bawat taon.
- Latest
- Trending