MANILA, Philippines - Sinuspinde ng anim na buwan ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro si Caloocan City Mayor Enrico R. Echiverri dahilan sa umano’y hindi nito pagreremit ng mahigit sa P38 milyon kontribusyon sa GSIS ng mga tauhan nito.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo na isinampa sa Ombudsman ni Caloocan Vice-Mayor Edgar R. Erice na nagsabing mula Hulyo 1997 hanggang Disyembre 2002 at Enero 2007 hanggang Disyembre 2010 ay hindi nai-remit ni Echiverri sa GSIS ang contributions ng mga tauhan. Ito ay nakumpirma ni Robert G. Vergara, President at General Manager ng GSIS.
Sinasabing kahit na naabisuhan ng GSIS si Echiverri na magbayad ng obligasyon sa ahensiya, gayundin sina City Treasurer Evelina M. Garma at City Budget Officer Jesusa Garcia ay patuloy na bigong tupdin ang direktiba ng naturang ahensiya.
Ang naturang pondo ay nakolekta na ng city govt. ng Caloocan mula sa mga tauhan nito sa naturang mga taon pero hanggang sa kasalukuyan ay hindi naireremit sa GSIS dahilan upang mabulilyaso ang loans at benefits ng mga empleyado nito mula sa GSIS.
Agad na inatasan ni Casimiro si DILG Sec. Jessie Robredo na ipatupad ang suspension order sa alkalde.