Kongreso bibisitahin ang Spratly island
MANILA, Philippines - Limang kongresista ang bibisita bukas sa pinagtatalunang Spratly Islands upang suportahan ang pag-angkin ng gobyerno ng Pilipinas sa mga nabanggit na isla.
Ang paglalakbay na tatawaging “Peace and Sovereignty Mission” ay binubuo nila Akbayan party-list Reps. Walden Bello at Arlene Bag-ao, DIWA party-list Rep. Emmeline Aglipay, Eastern Samar Rep. Ben Evardone at Ifugao Rep.Teodoro Baguilat Jr.
Ayon kay Bello, ang pagbisita sa Spratlys ay naglalayon na bigyang-tibay na nasasakop ng Pilipinas ang Spratlys na napapaloob sa 200-mile economic zone, at naaayon sa mga alituntunin ng United Nations Convention on the Law of the Sea.
Idinagdag pa ni Bello na walang iisang bansa ang nagmamay-ari ng West Philippine Sea, at sila ay mangangalap ng impormasyon upang makapagsagawa ng mga batas na makakpagtibay ng depensa ng Pilipinas at sa pagpapalawak ng mga gawaing pang ekonomiya ng bansa.
Matatandaang inakusahan ng Pilipinas ang Tsina sa pagsakop sa teritoryo ng bansa, partikular na sa Reed Bank na malapit sa Palawan ilang beses na sa nakaraang mga buwan.
Samantala, iginiit ng Palasyo na dapat ay ang UN arbitration body ang maging venue upang pag-usapan ang ukol sa Spratly island.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, signatories ang Pilipinas at China sa UNCLOS gayundin sa Code of Conduct sa South China Sea.
Aniya, hindi puwedeng bilateral talks lamang sa pagitan ng Pilipinas at China dahil marami pang bansa ang naghahabol din sa nasabing isla kaya dapat lamang sa UN body ito pag-usapan.
- Latest
- Trending