Comelec, mag-iisyu ng alias warrant vs. Bedol
MANILA, Philippines - Nakatakdang mag-isyu ang Commission on Elections (Comelec) ng alias warrant laban kay dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol para pa rin sa kasong contempt na isinampa laban dito ng komisyon.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, napaso na noong 2008 ang naunang warrant of arrest na inisyu rito ng komisyon noong 2007.
Matatandaang nauna nang nahatulan ng anim na buwang pagkakabilanggo si Bedol para sa nasabing kasong contempt dahil sa hindi pagsipot sa mga ipinatawag na pagdinig noon ng Comelec.
Wala namang alam si Brillantes na iba pang kasong kinakaharap ni Bedol maliban sa nasabing contempt case.
Tahasang sinabi ng Association of Major Religious Superior of the Philippines (AMRSP) na hindi nila itatago si dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol sakaling lumapit ito sa kanila.
Ito ang binigyan diin ni AMRSP chairperson Sr. John Mananzan kung saan sinabi nito na bagama’t malaki ang maitutulong ni Bedol sa pagsisiwalat sinasabing dayaan noong 2004 elections ay hindi aniya nila ito makukupkop dahil mapupulitika lang ang kanilang grupo.
Giit ni Mananzan, mas makabubuting isailalim na lamang sa kustodiya ng DOJ si Bedol upang matiyak ang kaligtasan nito.
Sinabi ni Mananzan na iniiwasan din nilang mapulitika ang kanilang samahan kung kaya’t piling-pili ang kanilang binibigyan ng proteksyon.
- Latest
- Trending