MANILA, Philippines - Tila ayaw tantanan ng kaso si dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Efraim Genuino matapos na naman itong sampahan ng kaso sa ikaapat na pagkakataon sa Department of Justice (DOJ).
Kasong graft at malversation na isinampa laban kay Genuino bunsod ng umano’y paggamit nito ng bahagi ng rice donations mula sa Japan para sa political campaign ng dalawang anak nito noong May 2010 elections.
Ayon sa reklamo, mahigit 40 metric tons umano ng rice donation mula Aruze Corporation ang ginamit sa pangangampaniya ng dalawa nitong anak.
Sinasabing nakalaan sana para sa mga biktima ng bagyong “Frank” noong taong 2008 ang nabanggit na suplay ng bigas.
Maalala na nahaharap din sa kasong plunder si Genuino at iba pang mga dating opisyal ng PAGCOR, kaugnay naman sa tinatayang P186-million na misappropriated fund simula taong 2003 hanggang 2010.
Ang kaso ay sinasabing nag-ugat sa nabunyag na mga maanomalyang kontrata at transaksyong ipinasok ni Genuino sa Batang Iwas Droga (BIDA) Foundation, Inc.
Napag-alaman na ang anak ng former chairman na si Sheryl Genuino-See, ay first nominee ng BIDA partylist noong nakaraang eleksyon.
Kinasuhan din ang dating PAGCOR chairman at iba pang government sports officials, kaugnay sa umano’y kuwestyonableng paggamit ng pondo noong taong 2008.
Kabilang pa sa mga respondents sa isinampang reklamo sa Office of the Ombudsman ay sina Mark Joseph ang pangulo ng noon ay Philippine Amateur Swimming Association Inc.; William Ramirez, dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) at dating PAGCOR officers na sina Rafael Francisco, Philip Lo, Danilo Gozo, Manuel Roxas, Ester Hernandez, Valente Custodio at Edward King.
Ang reklamo ay kaugnay naman sa 2008 audit report kung saan sinasabing naglabas ng pondo si Ramirez para sa swimming association ng walang kaukulang pag-apruba ng PSC board.
Sa kaso ni Genuino, inakusahan naman ito sa paggamit ng pondong nakalaan para sana sa mga atleta sa isang educational institution na sinasabing pag-aari ng former PAGCOR official.
Kinasuhan na rin si Genuino kaugnay sa sinasabing maanomalyang multi-million movie project.
Ang kaso ay may kaugnayan sa joint project ng PAGCOR at Viva Films para sa pelikulang “Baler” na sinasabing ginastusan ng mahigit P26.7 million.