Nominasyon ni Armamento bilang Ombudsman isinulong

MANILA, Philippines - Muling pinagtibay ng Prosecutor’s League of the Philippines (PLP) ang nominasyon ng isang Justice undersecretary alinsunod sa inilalatag na kwalipikasyon ng batas at ng Justice and Bar Council (JBC) ilang linggo bago ang itinakdang paghahayag kung sino ang magiging bagong Ombudsman ng bansa.

Bilang bahagi umano ng kanilang sibikong atas, diwa ng patriotismo at pagmamalasakit para sa kapakanan ng bansa, nais nilang igiit ang kanilang boses para suportahan ang nominasyon ni Justice undersecretary Leah Armamento para sa susunod na Ombudsman.

Si Armamento ay inirekomenda at nominado ni National Press Club President Jerry Yap at isa sa apat na finalist na ipinasa ng JBC sa Palasyo para sa pagpili ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Sa isang resolusyon na nilagdaan ng mga opis­yal ng PLP, sinabi nilang ang Ombudsman ay ang sentro ng adbokasiya para lutasin ang korupsiyon sa bansa.

Pirmado ng kanilang mga opisyal, sinabi sa resolusyon na bilang mga empleyado ng gobyerno,  crime fighters at mamamayan ng bansa, ang mga miyembro ng PLP ay sama-samang naghahangad na isang tamang tao ang maiupo sa nasabing pwesto batay sa kanyang rekord, pagganap sa tungkulin at batay sa kwa­lipikasyon at merito.

Naniniwala rin ang Liga na ang susunod na Ombudsman ay dapat na tapat, malaya, hindi kayang buyuhin, malakas ang pangangatawan at may sapat na tapang para disiplinahin ang mga nag-aaway na opisyal  at indibidwal.

Anila, ang mga kata­ngiang ito ay nakikita nila kay Armamento.

Nagtapos si Armamento sa Ateneo Law School at nakakuha ng Fellow Certificate mula sa John F. Kennedy School of Go­vernment sa prestihiyosong  Harvard University.

Natitiyak ng PLP na kapag naitalagang Ombudsman, si Armamento ay gaganap sa itinala­gang tungkulin nang tumpak at epektibo gaya ng kanyang ginawa sa mga nakaraang posisyon na kinatalagahan.

Show comments