MANILA, Philippines - Bukas ang government prosecution team na pag-aralan ang posibilidad na pumasok sa isang plea bargain deal si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Zaldy Ampatuan, isa sa mga pangunahing suspect sa tinaguriang Maguindanao massacre.
Ito ang naging pag-amin ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III, matapos ang pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima na malabong maging state witness si Zaldy.
Ayon kay Baraan, maaari umano nilang ikonsidera ang opsyon na mag-plea ito sa mas mababang kaso kapalit ng pagdiin sa iba pang pangunahing sangkot sa karumal-dumal na krimen.
Pero bago ito, iginiit ni Baraan na kailangan munang mabasahan ng sakdal si Zaldy, bago magkaroon ng plea bargain deal.
Bukod kay Zaldy, kabilang pa sa mga primary accused sa kaso ay ang ama nito na si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr., at kapatid na si dating Datu Unsay Mayor Andal, Jr.