MANILA, Philippines - Pumasok na sa bansa ang bagyong Ineng na may international name na “Ma-on”, kahapon.
Ayon kay Jori Loiz, ng PAGASA, si Ineng ay namataan sa layong 1,240 kilometro sa silangan-hilagang silangan ng Basco Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na 220 kph.
Sinasabing kung hindi magbabago ang takbo ng nasabing bagyo ay posibleng hindi na rin ito magtagal sa bansa at lumabas patungong Japan.
Ayon pa sa PAGASA, may posibilidad umanong maging super typhoon si Ineng dahil patuloy itong lumalakas habang gumagalaw papalayo sa bansa.
Gayunman, hindi naman anya ito direktang makaka-apekto sa bansa, dahil hindi ito tatama sa kalupaan, ngunit dadagdagan naman nito ang lakas ng Habagat na magdadala ng kalat kalat ng pag-ulan sa ibang parte ng bansa, kasama ang Metro Manila, lalo na sa hapon at gabi.