MANILA, Philippines - Nasilat ang panawagang pag-aaklas ng isang Marine Colonel laban sa Aquino administration matapos ihayag ng 135,000 malakas na puwersa ng Armed Forces of the Philippines na nananatili itong tapat sa liderato ni Pangulong Noynoy Aquino.
Minaliit din ng mga kaalyado ni Aquino sa Kamara ang panawagang kudeta ni Marine Col. Generoso Mariano, dating deputy commander ng Naval Reserve Command, na ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone ay pag-aaksya lamang ng panahon.
Ayon kay Evardone, ang ginagawang panghihimok ni Mariano para guluhin ang bansa ay isang anti-Filipino dahil marami pa rin umano sa mga Pinoy ang naniniwala sa pamamalakad ni Aquino.
Kumalat sa Facebook, You Tube at iba pang social networking sites nitong Sabado ng gabi ang panawagan ni Mariano para ibagsak ang gobyernong Aquino dahilan umano sa ‘incompetency’ o kawalan ng kakayahang patakbuhin ang pamahalaan.
“It is the duty, it is the right of every Filipino including soldiers to replace the government. I repeat, replace the government,” pahayag ni Mariano sa 95-segundong tape message nito na ipinoste sa kaniyang Facebook account.
Dahil dito kaya umapela si Evardone sa AFP na agad na kastiguhin hindi lamang si Mariano kundi ang iba pang opisyal ng militar na nagbabalak na mag-aklas laban sa gobyerno dahil bukod umano sa hindi ito makakatulong sa bayan ay lalo lamang itong nakakadagdag sa sandamukal na problema ng bansa.
Para naman kay Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) party list Rep. Sherwin Tugna, kung may hinaing sa gobyerno si Col. Mariano ay dapat na idaan sa maayos, mapayapa, at de mokratikong proseso tulad ng paghahayag sa media at civil society upang maaksyuna dahil ang kudeta umano ay isang bayolente at posibleng madugong sitwasyon kayat hindi umano dapat humantong sa ganitong paraan.
Sa kasalukuyan ay nasa restricted to custody at nakatakdang magretiro bukas si Mariano, pero dahilan sa ‘video call’ nito na pabagsakin ang gobyernong Aquino ay maantala muna ito habang isinasailalim sa imbestigasyon. (May ulat ni Joy Cantos)