Mahihirap na estudyante hinihimok sa SPES
MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ng Malacanang ang mga karapatdapat na estudyante na mag-apply sa special employment program ng gobyerno.
“Hinihimok ng pamahalaan ang mahihirap pero karapatdapat na mga estudyante na pumasok sa special employment program para makatulong na madagdagan ang kinikita ng kanilang pamilya,” sabi sa isang pahayag kahapon ng Malacanang.
Ang mga maaaring mag-apply sa Special Program for the Employment of Students (SPES) ay ang mga estudyanteng may edad 15-25 taong gulang.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, ang SPES ay magiging tulay upang magkaroon ng trabaho ang mga estudyante.
Ang mga estudyanteng edad 15 anyos ay maari na umanong ikonsiderang bahagi ng labor force.
“Pagdating kasi ng 15 anyos, pasok na ‘yan sa labor force so yung matibay na pundasyon ng edukasyon simula nung maliit pa sila at lalo na kung akma yung kanilang mga kurso sa pangangailangan ng industriya, napakalaking tulong noon para mapataas ang absorption ng ating mga nakatapos at may mga skills sa ating labor force,” ani Baldoz.
Sa ilalim ng SPES, ang mga kabataan ay nagtatrabaho tuwing summer at Christmas vacations sa mga pribadong kompanya at mga ahensiya ng gobyerno.
Sa ilalim ng SPES, ang gobyerno at ang pribadong sektor ang nagpapasuweldo sa mga nagta-trabahong estudyante.
- Latest
- Trending