Saudization wa epek sa 1.5 milyong OFWs

SURIGAO CITY ,Philippines  – Pinabulaanan kahapon ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na apektado ang 1.5 milyong Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia sa hakbang ng pamahalaan ng natu­rang bansa na unahing mabigyan ng trabaho ang mamamayan nitong Saudi sa ilalim ng patakarang Saudization.

“Huwag po kayong maniwala na maapektuhan kaagad ang ating 1.5 milyong manggagawa sa Saudi Arabia. Walang katotohanan iyan dahil hindi makakaabot sa katayuan niya ngayon ang Saudi Arabia kung wala ang mga skilled na manggagawang Pilipino,” sabi ni Baldoz sa kanyang talumpati sa 68th Caraga Regional Development Council meeting sa lunsod na ito kamakalawa.

Sinabi ni Baldoz na ipinangako sa kanya ng labor secretary ng Kingdom of Saudi Arabia na hindi apektado ang 1.5 milyong OFWs dahil karamihan sa kanila ay mga bihasa o sanay o skilled worker.

Binanggit pa ni Baldoz na sinabi sa kanya ng KSA labor secretary sa Geneva noong Hunyo na ipagpapatuloy ng Kaha­rian ang pagkuha ng mga migranteng manggagawa dahil nangangailangan ng milyun-milyong dayuhang manggagawa ang mga ipapagawang mga mega-cities simula sa 2014.

Idinagdag niya na ipinatutupad ng Saudi Arabia ang Saudization para maiwasan ang pag-aalsa o social unrest na dinanas ng ibang bansa sa Gitnang Silangan tulad sa Tunisia, Egypt, Yemen, Libya, at Bahrain.

 “Kaya inunahan na po ng gobyerno ng Saudi Arabia na magplano ng nationalization of workforce para bigyan ng prayoridad ang kanilang mga mamamayan sa pagkuha ng mga manggagawa,” sabi ng kalihim.

Binanggit din niya na pinagtutuunan ng mga pribado at pampublikong kumpanya sa Saudi Arabia ang productivity at kinakailangan ang highly skilled worker.

Sa kabilang dako, sinabi ni Baldoz na, kung ipapasya ng mga OFW doon na umuwi, handa ang pamahalaang Pilipino na tulungan sila sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng mga oportunidad na pangkabuhayan.

Show comments