MANILA, Philippines - Upang mas maramdaman ng mga kasambahay ang diwa ng pasko at makatulong sa kanilang pamilya, itinutulak ng isang kongresista sa Kamara ang isang panukalang batas na bigyan ng 13th month pay ang mga kasambahay na naninilbihan sa kanilang mga amo.
Ayon kay ALE party-list Rep. Catalina Cabrera Bagasina, ang House Bill 4753, o mas kikilalanin bilang Kasambahay Christmas Bonus Act of 2010, na isabatas ang pagbibigay ng 13th month pay sa mga kasambahay bago o sa mismong araw ng Disyembre 24, kada isang taon.
Sabi ni Bagasina, gusto niyang bigyan ng pantay na trato ang mga maliliit na tao tulad ng kasambahay kaya niya ipinapanukala ang batas na ito at para maramdaman nila na hindi sila pinababayaan ng gobyerno.
“Hanggang sa ngayon hindi sila kasali sa minimum wage law, wala silang overtime pay, medical benefits at service incentive leave,” sabi ni Bagasina.
Ayon pa kay Bagasina kahit na ang benepisyong pagpapamiyembro at paghuhulog ng kanilang amo ng kontribusyon sa social security benefits ay hindi pa nasusunod ng ilang mga amo.