Elite team na magsasagawang lifestyle check iginiit
MANILA, Philippines - Nais ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magkaroon ng isang elite team ang gobyerno na aatasang magsagawa ng lifestyle check sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Napuna ni Cayetano na nagkakaroon lamang ng lifestyle check sa ilang partikular na opisyal ng pamahalaan kung may umuusbong na kontrobersiya.
Nagmimistula umanong ningas-cogon ang pagsasagawa ng lifestyle check lalo pa’t yong mga nasasangkot lamang sa mga kontrobersiya ang isinasailalim dito.
Pero iginiit ng senador na hindi dapat mabigyan ng posisyon sa “elite team” na magsasagawa ng lifestyle check ang mga senador, secretary o congressmen dahil kabilang ang mga ito sa maaaring isailalim sa pagbusisi ng kayamanan.
“Walang senador, walang congressman, walang secretary, walang general, walang general manager, but lahat ng ito ay subject to this. So that may assurance ang publiko na tuloy-tuloy ang laban sa graft at ang lifestyle check ay ginagawa,” pahayag ni Cayetano.
Naniniwala rin si Cayetano na dapat magkaroon ng isang systematic at organisadong pamamaraan kung paano hahabulin ang gumagawa ng katiwalian sa gobyerno.
- Latest
- Trending