Hangin sa MM marumi pa rin
MANILA, Philippines - Bagsak pa rin sa air quality standard ang hangin ngayon sa Metro Manila.
Ito ang ibinunyag ni Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje nitong Miyerkules sa Pilipinas Natin Forum na ayon sa pinakahuling pag-aaral na ginawa ng ahensya ay umabot sa 166 micrograms per normal cubic meter ang suspended particles sa hangin na lubhang mataas pa rin sa 90 micrograms na normal standard.
Gayunpaman, kumpiyansa pa rin si Paje na maaabot ng admi nistrasyon ni Pangulong Aquino ang target nitong pababain sa normal na lebel ang polusyon sa hangin sa Kamaynilaan dahil sa mga pagkilos at programang ikinasa ng DENR sa pakikipagtulungan ng ibang ahensya.
Patunay aniya rito ang kasalukuyang mas mababang sukat ng polusyon sa hangin sa nasabing lugar kumpara sa 190 micrograms na naitala nitong unang tatlong buwan ng nakaraang taon.
Malaking tulong din aniya ang National Climate Change Action Plan na ipinatutupad ng Climate Change Mitigation and Adaptation and Food Security cluster ng pamahalaan kung saan kabilang ang kanilang ahensya.
Bukod sa pagtatanim ng maraming puno, isa kasi sa mga layunin ng naturang plano ang maisulong ang paggamit ng renewable energy at pagpapakalat ng mga sasakyang de-kuryente na hindi nagbubuga ng nakalalasong usok sa lansangan.
Isinusulong din ng DENR ang matalinong paggamit ng enerhiya upang higit na mabawasan ang konsumo ng bansa sa langis at iba pang mga uri ng panggatong na nakakadagdag din sa polusyon sa hangin.
- Latest
- Trending