MANILA, Philippines - Dalawang state prosecutors ng Department of Justice (DOJ) na tumangging magpabanggit ng pangalan ang handang magbitiw sa puwesto kung pagbibigyan umano ang alok ni suspended Autonomous Region for Muslim Mindanao governor Zaldy Ampatuan na maging saksi ng pamahalaan.
Sinabi ng mga ito na ayaw umano nilang maulit ang nangyari sa kaso ni dating Major General Carlos Garcia na mistulang nanalo sa kaso sa korte dahil sa pagpayag ng pamahalaan sa “plea bargaining”.
Hinamon rin ng mga ito si Zaldy na sumailalim na sa “arraignment” at sumalang sa pagdinig kung nais talaga nito na malaman ng korte ang partisipasyon ng kanyang pamilya sa krimen.
Una nang tinanggihan nina prosecution lawyer Harry Roque at Nena Santos ang alok ni Zaldy. Nag-akusa rin ang mga ito na isang negosasyon ang niluluto ng Malacanang at ni Zaldy Ampatuan kabilang ang hindi kumpirmadong balita na maaaring gagamitin ang huli bilang testigo laban kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga kasong isasampa laban dito.
Kung magiging ‘state witness” naman si Zaldy, sinabi ni Roque na magkakaroon na ng sapat na panahon ito para makuha ang mga naka-freeze na ari-arian ng kanilang pamilya para magamit nito.
Nabatid na inamin kahapon ng kampo ni Zaldy na maaaring makabalik sa kapangyarihan ang kanilang angkan kung mapapalaya kapag nagsilbing “state witness” sa kasong masaker.