Bishops nagsoli ng SUVs
MANILA, Philippines - Iniwan na kahapon sa parking lot ng Senado ang apat na sasakyan na bahagi ng pitong sasakyan na binili ng mga obispo gamit ang pondong ibinigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa opening statement ni Cotabato Archbishop Orlando Quevedo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committe, sinabi nito na nagdesisyon ang pitong obispo na ibalik sa PCSO ang mga sasakyan.
“Regardless of whether the acquisition of vehicles are lawful or unlawful, constitutional or unconstitutional, we are returning the vehicles,” pahayag ni Quevedo na kabilang sa nabigyan ng pondo para ipambili ng sasakyan sa kaniyang diocese.
Nilinaw din ni Quevedo na ginamit sa charity ang mga sasakyan at hindi sa personal na lakad o pangangailangan ng mga obispo.
Ayon kay Quevedo, nalulungkot ang Simbahan dahil maraming katoliko ang nalito at naiskandalo dahil sa kontrobersiya.
“We honestly failed to consider the pitfalls to which these grants could possible lead. We also express our readiness to heal this wound so we could all move forward,” pahayag ni Quevedo.
Kabilang sa mga sasakyan na iniwan ng mga obispo ang Isuzu Crosswind na mula sa diocese ni Nueva Segovia Archbishop Ernesto Salgada; Nissan Pathfinder at Mitsubishi L-300 van na mula kay Bontoc-Lagawe Bishop Rodolfo Beltran at Mitsubishi Strada na mula kay Abra Bishop Leopoldo Jaucian.
Ang mga sasakyan naman mula sa mga obispo sa Mindanao ay itu-turn over sa mga awtorisadong kinatawan ng PCSO sa nasabing lugar.
Bukod pa sa mga nabanggit na obispo mula sa Luzon, napagkalooban din ng pondo para ipambili ng sasakyan sa kanilang diocese sina Butuan City Bishop Juan de Dios Pueblos; Cotabato Archbishop Orlando Quevedo; Basilan Bishop Martin Jumoad at Zamboanga Archbishop Romulo Valles.
Tanging si Salgado lamang sa hanay ng pitong obispo ang hindi nakadalo sa hearing dahil nasa labas ito ng bansa.
Nauna rito, humingi ng paumanhin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para sa pitong miyembro dahil sa pagtanggap ng sasakyan mula sa PCSO noong panahon ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Samantala, inamin naman ni Pueblos na nagkaroon ng “lapse in judgement” nang sumulat siya sa dating pangulo upang humingi ng bagong sasakyan sa kaniyang birthday.
Sa ulat ng Commission on Audit, nasa P6.9 milyon ang pondong ipinalabas ng PCSO para sa mga sasakyan ng mga obispo.
Nilinaw din sa pagdinig na hindi mga Pajero ang binili ng mga obispo kundi mga sasakyan na maaring ibiyahe sa mga bulubundukin at malalayong lugar.
Ayon kina Jaucian, Valles at Quevedo ginamit nila ang mga sasakyan sa paghahatid ng mga relief goods at sa pagbibiyahe ng mga may sakit lalo na mula sa mga lugar na hindi napapasok ng mga ordinaryong sasakyan.
Inihayag naman ni PCSO General Manager Ferdinand Roxas II na isusubasta na lamang nila ang mga sasakyan na isinauli ng mga obispo.
Posible rin umanong ibigay din ang perang pinagbilhan ng mga sasakyan sa diocese ng mga obispo.
Ilang oras matapos ang hearing, dinala na rin ang mga sasakyan sa tanggapan ng PCSO na nasa loob lamang ng PICC compound na halos kalapit lang ng Senado.
- Latest
- Trending