MANILA, Philippines - Umapela kahapon ang Meridian Vista Gaming Corporation sa patuloy na pagbabale-wala nina Justice Secretary Leila De Lima at DILG Secretary Jess Robredo sa naunang desisyon ng mababang hukuman at maging ng Court of Appeals na ligal ang operations ng gaming firm at hayaang manatili ang betting stations nito sa labas ng Cagayan Economic Zone habang binubusisi pa ng Korte Suprema ang isyu para sa pinal na desisyon.
Sinabi ni Raul Banderas, tagapagsalita ng Meridian, na sa desisyon ng Court of Appeals CA-GR SP No. 115304 ay nakasaad ang husga nitong “ligal ang jai-alai games ng Meridian sa economic zone ng Cagayan, maging ang betting stations nito sa labas ng CEZA kung kaya’t dapat igalang at hindi dapat abalahin ng kapulisan ang naturang business operations.”
“Ang hatol ng CA na pumapabor sa Meridian ay iniapela at kasalukuyang dinidinig sa Korte Suprema kaya dapat lang na lahat ng interested parties sa usapin, tulad ng DOJ, DILG at PNP, ay mag-observe ng status quo bilang respeto sa Mataas na Hukuman,” pagdidiin ng spokesman ng gaming firm.
Ayon pa kay Banderas, hindi umano kinukwestiyon ng Games and Amusement Board ang ligalidad ng Meridian operations taliwas sa mga inilathala na umano’y sinusubuan ng maling impormasyon ng mga naghahangad na mapatigil ang operasyon ng ligal na jai-alai games.
Ayon pa kay Banderas, ikinabahala rin ng Meridian management ang timing ng panggigipit sa kanila nina de Lima, Robredo at ng kapulisan dahil itinaon umano ang pagpursige ng mga ito na mapahinto ang kanilang operations sa panahon ng muling pamamayagpag ng jueteng at ng nakaambang paglunsad ng Loterya ng Bayan na kilalang dating Small Town Lottery o STL.